Pinagsabihan nina Senators Risa Hontiveros at Francis “Kiko” Pangilinan ang Department of Health (DOH) na maging tapat, consistent o hindi pabago-bago, at tiyaking kumpleto ang datos ukol sa outbreak ng COVID-19 sa bansa.
Mensahe ito nina Hontiveros at Pangilinan, makaraang ihayag ni Health Secretary Francisco Duque III sa pagdinig ng Senado na simula noong Marso ay nasa second wave na ang pagkalat ng COVID-19 sa bansa at ngayon ay unti-unti nang nababawasan o kontrolado na ang nadadagdag na kaso ng COVID-19 sa Pilipinas.
Pero sagot nina Hontiveros at Pangilinan, paano masasabi ng DOH na nag-flatten na ang curve kung hindi pa nakapagsasagawa ng mass testing.
Giit ni Hontiveros, dapat sigurado ang DOH sa mga inihayag nito na siyang pagbabatayan ng mga hakbang ng pamahalaan tulad ng pag-relax sa ipinapatupad na community quarantine o lockdown.
Pinuna naman ni Pangilinan na ang mga ibinibida ng DOH na datos sa Pilipinas ay taliwas sa sitwasyon kung ikukumpara o titingnan ang pagtugon sa COVID-19 crisis ng ibang bansa.
Tinukoy ni Pangilinan na bukod sa kawalan pa rin natin ng mass testing ay mas mataas din ang kaso ng namamatay sa atin at mas kaunti ang nakaka-recover kumpara sa ibang mga bansa.
Samantala, sa Senate hearing ay inihayag din ni Duque na base sa report ng World Health Organization (WHO) ay wala pang ebidensya na nakakahawa ang mga positibo sa COVID-19 na walang sintomas o ang mga asymptomatic.
Binanggit ni Duque na inatasan naman ang mga Municipal at City Health Officers pati ang mga barangay officials na na subaybayan ang mga residente na may sakit na katulad sa Influenza at Severe Acute Respiratory Infection (SARS).
Mamayang alas-tres ng hapon ay ipagpapatuloy ng Committee of the Whole ang pagdinig ukol sa COVID-19 response ng gobyerno at tututukan ang sektor ng enerhiya, edukasyon at estado ng food security.