DOH, pinaiiwas ang mga LGU sa paggamit ng rapid antibody test para sa COVID-19

Hindi inirerekomenda ng Department of Health (DOH) sa Local Government Units (LGUs) ang paggamit ng rapid antibody test para sa COVID-19.

Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, ang rapid antibody test ay naglalabas ng hindi accurate na resulta.

Pinayuhan ni Vergeire ang mga gobernador, mga alkalde at lokal health officials na huwag gamitin ang antibody test para sa screening lalo na sa Locally Stranded Individuals (LSIs) dahil aksaya lamang ito sa resources.


Ang mahalaga aniya ay isolation.

Kung ang LSI ay mula sa high-risk COVID-19 areas, dapat ay i-isolate agad ito sa loob ng 14 na araw.

Ang mga manggagaling naman sa low-risk areas ay maaaring tingnan kung mayroon silang mga sintomas.

Ang mga hindi nagpapakita ng senyales ng COVID-19 ay maaari nang umuwi basta nasusunod ang minimum health protocols.

Muling iginiit ng DOH na ang RT-PCR test pa rin ang gold standard sa COVID-19 diagnosis.

Gumagamit na rin ang DOH ng antigen test, kung saan nade-detect nito ang viral protein kapag nagrereplika ang virus.

Hinimok ng DOH ang mga LGU na magpasa ng accurate, complete at timely na impormasyon para sa real-time na monitoring ng krisis.

Facebook Comments