Pinasalamatan ng Department of Health (DOH) ang lahat ng mga nagawa ng yumaong si dating Pangulong Fidel V. Ramos.
Sa inilabas na pahayag ng DOH, nagawa ni dating Pangulong Ramos na muling iangat ang estado ng kalusugan ng bawat Pilipino sa ilalim ng termino nito.
Ayon sa DOH, malawak ang pananaw at dedikasyon ng dating pangulo pagdating sa usapin ng kalusugan ng lahat ng Pilipino.
Iginiit ng DOH na sa ilalim ng termino ni dating Pangulong Ramos, naipatupad ang ilang batas na may kaugnayan sa kalusugan tulad ng National Blood Services Act of 1994, Act for Salt Iodization Nationwide of 1995 at National Health Insurance Act of 1995.
Muling pinapasalamatan ng DOH ang mga inilatag na hakbang ni dating Pangulong Ramos patungo sa pagpapalakas ng universal health care sa ating bansa.
Nakikiisa rin sila sa pagdadalamhati ng buong bansa sa pagpanaw ni dating Pangulong Ramos at nakikiramay naman sila sa naiwang pamilya nito.