DOH, pinayuhan ang lahat ng nakilahok sa kilos-protesta sa SONA na makipag-ugnayan sa kani-kanilang mga lokal na pamahalaan

Pinayuhan ng Department of Health (DOH) ang lahat ng indibidwal na lumahok sa State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Rodrigo Duterte na agad silang makipag-ugnayan sa kani-kanilang Local Government Units (LGUs).

Ito’y matapos na maiulat na may ilang pulis mula sa Quezon City Police District (QCPD) na pawang mga naka-destino noong araw na iyon ang nagpositibo sa COVID-19.

Nabatid na sa kasalukuyan ay nakikipag-ugnayan na ang DOH sa Quezon City Government para sa isasagawang contact tracing sa mga nagsidalo sa nasabing aktibidad.


Kaugnay nito, sinabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na maiging ang lahat ng dumalo sa kilos-protesta na nakasalamuha ang mga pulis ay mauna ng lumapit sa kanilang mga LGU upang mas mapadali ang contact tracing.

Paraan din ito upang agad na matugunan sakaling may magpositibo sa COVID-19 sa mga nasabing indibidwal.

Sinabi ni Vergeire na kailangang isagawa ang contact tracing sa lalong madaling panahon kung saan iginiit niya na maiging ma-isolate agad ang mga nasabing indibidwal na magpopositibo sa isasagawang random testing.

Kasabay nito ay nilinaw ni Vergeire na hindi pa maituturing na super spreader ang mga naganap na aktibidad kahit pa libu-libo ang mga nagsidalo.

Facebook Comments