Pumalag ang Department of Health (DOH) sa pangamba ng ilang health experts na hawaan ng COVID-19 sa mga eskwelahan kasunod ng muling pagbabalik ng face-to-face classes sa bansa.
Ayon kasi sa ilang eksperto, nangangamba sila dahil tumataas ang kaso ng COVID-19 at maging ang dengue.
Sinabi ni DOH Officer-in-Charge (OIC) Maria Rosario Vergeire, tiniyak ng ahensya na may “safeguards” silang ipatutupad para maiwasan ang pinangangambahang hawaan ng nasabing sakit.
Pero, aminado naman si Vergeire na hindi talaga masusunod ang physical distancing lalo na sa mga maliliit na classroom.
Kaya naman, giit ng opisyal na kailangang matiyak na maipapatupad ang mga patakaran sa pag-iingat kabilang na ang palagiang pagsusuot ng face mask sa mga bata.
Dagdag pa ni Vergeire, huwag ding magsabay-sabay ang mga bata sa recess o break upang maiwasan ang siksikan sa mga canteen.
Kasunod nito, hinihikayat ng DOH ang mga magulang na pabakunahan na ang mga bata para mabawasan ang agam-agam na mahawa ng COVID-19 ang mga ito.