Pumalag ang Department of Health sa puna ni dating Presidential Adviser for Entrepenurship Joey Concepcion hinggil sa mga nag-expire na COVID-19 vaccines.
Ayon kay Dr. Anna Lisa Ong-Lim ng DOH Technical Advisory Group, maling sabihin na dahil sa nahuli ang pag-apruba sa ikalawang booster shot kaya marami ang nasayang na bakuna.
Dagdag pa ni Ong-Lim, maaaring maraming dahilan kung bakit may mga na-expire na bakuna na dapat tugunan, pero hindi dahil nahuli ang rekomendasyon sa second booster.
Kabilang dito ang pagkakaroon ng gaps sa pagroroll-out ng bakuna o sa pagtanggap ng mga tao.
Sinabi naman ni Health Undersecretary Beverly Lorraine Ho, may tamang proseso bago aprubahan ang pagtuturok ng bakuna na hindi puwedeng madaliin.
Nauna nang sinabi ni Concepcion na na-expire ang P5.1 bilyong halaga ng COVID-19 vaccines na nasa pribadong sektor dahil huli na ang desisyon ng DOH para ipamahagi ng second booster.