DOH Sec. Duque III, pinangunahan ang pagbabakuna ng Sputnik V sa Sta. Ana Hospital sa lungsod ng Maynila

Pinangunahan ni Health Secretary Francisco Duque III ang pagbibigay ng bakuna na Sputnik V sa mga medical frontliners sa Sta. Ana Hospital sa lungsod ng Maynila.

Unang tinurukan ng bakunang Sputnik V ni Sec. Duque ang Senior Admin Staff ng Sta. Ana Hospital na si Walter Rigonan.

Nabatid na prayoridad na bibigyan ng nasabing bakuna ang mga medical frontliner o mga nasa A1 category na hindi pa nakapagpapabakuna.


Partikular dito ang mga frontliner na nasa anim na District Hospital tulad ng Ospital ng Sampaloc, Sta. Ana Hospital, Ospital ng Maynila, Gat Andres Bonifacio Medical Center, Justice Jose Abad Santos Memorial Medical Hospital at ang Ospital ng Tondo.

Sakali naman na may matira, ang mga nasa A2 category naman o mga senior citizen at mga indibidwal na nasa A3 o nagkakaedad ng 18 hanggang 59 na may comorbidities ang babakunahan ng Sputnik V.

Matatandaan na nasa 3,000 doses ng Sputnik V ang natanggap ng Manila LGU mula sa Department of Health (DOH) at ito ay nasa COVID-19 vaccine storage facility na nasa ikapitong palapag ng Sta. Ana Hospital.

Sinasabing ang Sputnik V ay mayroong 91.6% na efficacy rate kaya’t pinayagang magamit sa 64 na bansa sa buong mundo.

Facebook Comments