Nanindigan si Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III na wala siyang kinalaman sa kontrobersyal na pagbili ng gobyerno ng mga overpriced na pandemic supply sa Pharmally Pharmaceutical Corporation.
Giit ng kalihim, suportado ng limang batas ang desisyon nilang ipaubaya sa Procurement Service ng Department of Budget and Management (PS-DBM) ang pagbili sa mga pandemic supply.
Aniya, hindi kasi talaga kakayahin ng DOH na magsagawa ng sariling procurement hindi tulad ng DBM na mayroong operation of law.
Dagdag pa ni Duque, walang ibang naging papel ang DOH kundi ang magbigay ng technical specification at suggested retail price (SRP) sa mga bibilhing pandemic supplies.
“Nagtataka lang ako ba’t ako isinama? Mahirap ‘yon, malabo ‘yon kasi may malinaw na batas, limang batas yan kung bakit naman ibinaba. Nandyan yung General Appropriations Act, RA 9184, yung GPDP resolution, Executive Order ni President Cory Aquino tsaka ni GMA. So, ang daming batas na operation of law, sila talaga ang tagapag-angkat, tagapag-procure for the national government,” ani Duque.
“So lahat yan may legal basis. Hindi naman kami mga tanga, magbaba ng pera nang walang legal basis. Tsaka ipinaliwanag ko ‘yan e mukang hindi naman nila pinick up,” giit pa ng kalihim.
Sa ngayon, ayon kay Duque, hihintayin nila ang magiging aksyon ng Ombudsman o ng Department of Justice (DOJ) sakali mang i-akyat dito ng Senado ang resolusyon ng Blue Ribbon Committee na nagrerekomendang kasuhan siya at ilan pang opisyal ng Pharmally.
“Kami, aantayin namin kung ano yung aksyon ng Ombudsman, ng DOJ at kung ano yung hihingin samin, ibibigay namin. Kagaya nung ginawa namin sa Senate Blue Ribbon Committee, lahat ng mga dokumento ibinigay namin, lahat ng mga tseke, lahat talaga kumpletong ibinigay namin kaya nagtataka kami, kasi ang linaw, lahat ng mga dokumento ibinigay namin, wala kaming hindi ibinigay.
“So, yun ang mangyayari, we will cooperate in the investigating body,” dagdag ni Duque.