15 senador, pinagbibitiw si DOH Sec. Duque dahil ‘palpak’, ‘pabaya’ sa COVID-19 crisis

Image from PCOO

Nanawagan ang ilang senador kay Department of Health (DOH) Secretary Francisco Duque III na magbitiw sa puwesto dahil sa “failure of leadership” o kapalpakan nito sa pagtugon sa krisis sanhi ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).

Batay sa inihaing Senate Resolution 362, dapat mag-resign ang kalihim bunsod ng “negligence, lack of foresight, and inefficiency in the performance of his mandate,” habang patuloy ang pagtaas ng kumpirmadong kaso sa bansa.

Ang pagkabigo raw ni Duque sa liderato ay nagdulot ng sablay na pagpaplano, mabagal na pagresolba sa pandemic, pabago-bagong polisya at kakulangan ng transparency.


Nilagdaan nina Senate President Vicente Sotto III, Senate President Pro Tempore Ralph Recto, Senate Majority Leader Juan Miguel Zubiri, Senators Sonny Angara, Nancy Binay, Ronald “Bato” Dela Rosa, Imee Marcos, Sherwin Gatchalian, Lito Lapid, Panfilo Lacson, Manny Pacquiao, Grace Poe, Bong Revilla, Francis Tolentino, at Joel Villanueva ang resolusyon nitong Huwebes ng umaga.

Nilinaw naman ng Malacañang na walang silang kinalaman sa isinusulong ngayon ng mga mambabatas.

“Every Cabinet member serves at the pleasure of the President and habang hindi sila tinatanggal, the President continues to have full trust and confidence in them,” sabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque.

Ayon sa huling datos ng DOH, pumalo na sa 5,453 ang bilang ng mga tinamaan ng COVID-19, kung saan 349 ang nasawi at 353 naman ang gumaling.

Unang naiulat ang nakakahawang virus noong Disyembre 2019 na sinasabing nanggaling sa isang wet market sa Wuhan, China.

Wala pang inilalabas na reaksyon si Duque hinggil sa naturang panawagan.

Facebook Comments