Naniniwala ang pamunuan ng Department of Health (DOH) na hindi umano dapat na maging instrumento pa ng dagdag na pagkakaroon ng sakit ang mga nasa evacuation centers na inilatag dahil sa problemang dulot ng Bagyong Ulysses.
Ito ang binitiwang salita ni Health Secretary Francisco Duque III matapos ang pagbisita nito sa evacuation center ng mga nalubog na mga residente ng Kasiglahan Village, Barangay San Jose Rodriguez, Rizal.
Ayon kay Sec. Duque, sa mga LGU’s ay dapat mayroong nakatalagang safety officer na tututok sa anumang uusbong na mga karamdaman gaya ng diarrhea, lagnat, sipon at ubo.
Paliwanag ng kalihim, dapat ay madurog agad ang paglipat ng isang sakit na paumpisa pa lamang gaya ng pagtatae at pagsusuka.
Ipinaalala rin ni Duque ang health protocol laban sa COVID-19 dahil hindi aniya maaalis ang posibilidad na posibleng tumaas ang kaso ng coronavirus kung hindi masusunod ang pagsusuot ng face mask sa mga evacuation centers.