Binawi na ng Department of Health (DOH) ang paggamit ng hydroxychloroquine maging ang HIV drug na lopinavir-ritonavir sa ilalim ng Solidarity Trial sa mga pasyenteng may COVID-19.
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, lumabas sa mga ebidensya at rekomendasyon ng mga eksperto na kailangan nang ihinto ang pagsubok ng mga nasabing gamot sa mga pasyente.
Sinabi ni Vergeire na ang mga pasyenteng binigyan ng nasabing gamot ay kukumpletuhin ang serye ng gamutan pero maaari din silang magpasyang ihinto na ito kung nais nila.
Patuloy pa rin nilang sinusubok ang kombinasyon ng remdesivir at interferon bilang potensyal na gamot laban sa sakit.
Nitong Sabado, inanunsyo ng World Health Organization (WHO) na tuluyan na nilang itinigil ang trials para sa hydroxychloroquine at sa HIV drug sa mga pasyente matapos makitang walang talab ito sa sakit.