Tiniyak ng Department of Health (DOH) ang pagmonitor sa mga ospital at evacuation centers sa mga lugar na napinsala ng Bagyong Odette.
Ito ay matapos ang naitalang waterborne diseases sa Surigao del Norte na ikinasawi ng pitong katao at pagkaka-ospital ng 120 iba pa dahil sa diarrhea.
Ayon kay Health Usec. Maria Rosario Vergeire, tinututukan na ito ng Centers for Health Development (CHDs) at Regional Epidemiology and Surveillance Units (RESUs).
Bagamat hindi maganda ang komunikasyon sa ilang mga lugar na tinamaan ng bagyo, ginagawa ng DOH ang lahat upang bantayan ang kalusugan ng mga pasyente.
Batay sa Health Emergency Management Bureau hanggang nitong December 22, umabot na sa 78 ang nasirang health facilities sa bansa na kinabibilangan ng 33 hospitals, 23 barangay health stations at 19 rural health units.