Siniguro ng Department of Health (DOH) na ligtas ang mga influenza vaccines sa bansa.
Ito’y kasabay ng itinutulak na National Immunization Program sa gitna ng banta ng kaligtasan nito matapos ang hindi magandang nangyari sa Singapore.
Nabatid na ipinatigil ng Singapore ang pagpapabakuna makaraang mamatay ang ilang nakatanggap nito sa South Korea.
Ang nasabing desisyon hinggil sa pagpapatigil ng SKYCellflu Quadrivalent at VaxigripTetra ay bilang bahagi ng precautionary measures ng Health Ministry ng Singapore at Health Sciences Authority.
Ayon kay DOH Health Promotion and Communication Service Director Dr. Beverly Ho, patuloy silang naka-monitor sa mga flu vaccine at sa kasalukuyan ay wala pa naman naitatalang anumang insidente hinggil dito.
Aniya, ligtas ang mga flu vaccine sa bansa at itutuloy pa rin ng DOH ang national immunization program gayundin ang iba pang programa hinggil sa bakuna.