Tiniyak ng Department of Health (DOH) na may sapat na bakuna ang bansa matapos na palawigin pa ng dalawang araw ang “Bayanihan, Bakunahan.”
Ayon kay Health Usec. Myrna Cabotaje, sapat ang bakunang ibinaba nila para maturukan ang inisyal na target na 15 milyong indibidwal.
Nagkataon lang aniya na ibiniba nila sa 9 million ang target dahil sa kakulangan sa hiringgilya at kasunod na rin ng hiling ng mga lokal na pamahalaan na ibaba ito dahil sa kakulangan sa sapat na preparasyon.
Bukod dito, maraming bakuna pa ang darating sa bansa ngayong buwan.
Una rito, kinumpirma ni Cabotaje na pirmado na nina Secretary Francisco Duque III, Vaccine Czar Carlito Galvez Jr. at Testing Czar Vince Dizon ang rekomendasyong i-extend ang pagbabakuna hanggang bukas, December 3.
Pero paglilinaw niya, magiging boluntaryo lamang ito para sa mga Local Government Unit (LGU) na nais mapanatili ang momentum ng national vaccination at hindi magiging kasinglawak ng pagbabakunang isinagawa noong November 29 hanggang December 1.
Sa ngayon, ang mga rehiyon ng may pinakamataas na bilang ng nabakunahan sa 3-day national vaccination ay ang CALABARZON, Central Luzon at Central Visayas.