Sasagutin ng gobyerno ang gastos sa mga makakaranas ng adverse effect ng anti-COVID-19 vaccine.
Ito ang tiniyak ngayon ng Department of Health (DOH) kasunod ng nalalapit na rollout ng COVID-19 vaccine sa bansa.
Ayon kay DOH Spokersperson at Undersecretary Maria Rosario Vergeire, ang gastos sa mga taong ma-oospital dahil sa adverse reaction ng bakuna ay sasagutin ng gobyerno, batay na rin sa indemnification agreement na nilagdaan ng pamahalaan at mga vaccine manufacturer.
Sa ngayon ay nire-review na ng Pilipinas ang kasunduan kasama ang Pfizer-BioNTech na magtitiyak ng kompensasyon sa mga Pilipino na makakaranas ng side effects matapos mabakunahan kontra COVID-19.
Ayon kay Vaccine Czar Secretary Carlito Galvez, inaasahang maisasapinal na sa mga susunod na araw ang indemnification agreement ng gobyerno kasama ang Pfizer.
Una nang sinabi ni Galvez na nai-deliver na sana ng mas maaga ngayong linggo ang bakuna kung hindi lang dahil sa kakulangan sa indemnification law, pero umaasa siya na isang linggo lang magiging atrasado ang delivery ng unang batch ng COVID-19 vaccines sa bansa.
Makakatanggap ang Pilipinas ng tinatayang 5.6-million doses ng Pfizer-BioNTtech at AstraZeneca sa unang quarter ng 2021.