DOH, tiniyak na walang magiging problema sa pagbibigay ng ikalawang dose ng COVID-19 vaccine ng AstraZeneca

Tiniyak ng Department of Health (DOH) na walang magiging problema sa nakatakdang pagbibigay ng ikalawang dose ng AstraZeneca COVID-19 vaccine sa mga una nang nabakunahan.

Kasunod ito ng inaasahang delay sa pagdating ng karagdagang COVID-19 vaccines ng AstraZeneca.

Ayon kay Health Undersecretary at Spokesperson Maria Rosario Vergeire, walang sinabi ang World Health Organization na aabutin hanggang sa katapusan ng Mayo ang pagkaantala sa pagdating ng nasabing bakuna.


Nakatakda kasing ibigay ang ikalawang dose ng bakuna ng mga indibidwal na naturukan ng AstraZeneca vaccine sa katapusan ng Mayo at unang linggo ng Hunyo.

Paliwanag pa ni Vergeire, ang ikalawang dose ng AstraZeneca vaccine ay maaaring ibigay sa pagitan ng 4 hanggang 12 linggo pagkatapos ng unang dose.

Batay rin aniya sa pag-aaral, mas tumataas ang efficacy rate ng mga bakuna kung mas mahaba ang pagitan ng una at ikalawang dose at iginiit na plano ng pamahalaan na i-maximize ang interval sa pagbibigay ng bakuna para mas proteksyunan ang mga Pilipino.

Sa ngayon, nasa 525,600 dose pa lamang ng AstraZeneca vaccines ang dumadating sa bansa sa pamamagitan ng COVAX Facility.

Facebook Comments