Tinukoy ng Department of Health (DOH) ang 329 lugar sa bansa na posibleng gamiting lugar upang makapagsagawa ng face-to-face classes sa K-12 sa gitna ng pandemya.
Sa budget hearing ng DOH kahapon, sinabi ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na ibinigay na nila ang listahan sa Department of Education (DepEd) na parte ng rekomendasyon ng kagawaran para sa pagbubukas ng maraming paaralan sa bansa.
Pero paglilinaw ni Vergere, nasa DepEd na ang desisyon kung ano magsasagawa ng reassessment at pakikipag-usap sa mga lokal na pamahalaan.
Sa ngayon, aabot na lamang sa 30 mula sa 59 na pampublikong paaralan sa bansa ang kasama sa pilot face-to-face classes sa November 15.
Kabilang sa mga makakalahok sa pilot face-to-face classes ay ang 3 paaralan sa Bicol Region, 3 sa Western Visayas, 8 sa Central Luzon, 8 sa Zamboanga Peninsula, 6 sa Northern Mindanao, at 2 sa Soccsksargen.