Nakatutok ang Department of Health o DOH sa sitwasyon sa mga ospital na apektado ng malakas na lindol kahapon sa Mindanao.
Ayon kay Health Undersecretary Myrna Cabotaje, nagpapatuloy ang ginagawang assessment at validation ng DOH sa mga ospital sa Mindanao.
Kinukumpleto na rin aniya ng DOH ang listahan ng mga ospital at iba pang pasilidad na napinsala ng lindol.
Kinumpirma ni Cabotaje na nagkaroon ng minor damages sa Malungon Rural Health Unit sa Saranggani.
Mayroon ding nai-ulat na mga pasyente na inilabas mula sa Davao del Sur Provincial Hospital, at pansamantala munang nananatili sa ilang tents.
Ayon kay Cabotaje, prayoridad ng DOH ngayon ang mga pasyenteng buntis o mga ina na nanganak at kanilang mga sanggol; gayundin ang mga nakatatanda at may mga mabigat na karamdaman.