DOH, tiwala na hindi mararanasan ng bansa ang pagtaas ng kaso ng COVID-19 na nangyayari ngayon sa China

Tiwala ang Department of Health (DOH) na hindi mangyayari sa Pilipinas ang kasalukuyang sitwasyon sa China na lumobo muli ang kaso ng COVID-19.

Ayon kay DOH Officer-in-Charge (OIC) Undersecretary Maria Rosario Vergeire, batay sa kanilang obserbasyon ay takot pa rin ang mga Pilipino sa COVID-19 at dahil na rin sa nagpapatuloy na bakunahan sa bansa.

Sa katunayan aniya ay marami pa rin ang nakasuot ng face mask sa mga nagpunta sa mga mall at dumalo sa simbang gabi kahit pa boluntaryo na lamang ang pagsusuot nito.


Gayunpaman, binigyang-diin ni Vergeire na dapat ituloy pa rin ang pagsunod sa mga safety and health protocols at pagbabakuna kontra COVID-19.

Muling nilinaw rin ni Vergeire na wala nang ipatutupad na malawakang lockdown sa bansa.

Ang mga paghihigpit aniya ay ipinauubaya na nila sa mga lokal na pamahalaan para makontrol ang mga kaso sa kanilang nasasakupan.

Facebook Comments