Inihayag ng Department of Health (DOH) na tututukan na rin nila ang iba pang mga nakakahawa at nakakamatay na sakit sa gitna ng makikipaglaban ng pamahalaan sa COVID-19.
Ayon kay DOH Spokesperson Usec. Maria Rosario Vergeire, maraming pasilidad na dating nakalaan sa ibang karamdaman na ginamit muna ngayon para sa mga COVID-19 patients.
Kabilang na dito ang sakit na TuBerculosis (TB), na nabawasan ng malaki ang natukoy na tinamaan mula noong taong 2020.
Base sa datos ng DOH, nitong 2020 ay nasa mahigit sa 250,000 mga bagong kaso ng TuBerculosis ang naitala sa buong bansa.
Pinakamaraming kaso ng naturang sakit ay sa Region 4-A, na sinundan ng Region-6 at Region 4-B.
Dagdag pa ni Vergeire, ngayong nagluluwag na dahil sa pagbaba ng kaso ng COVID-19, hangad ng DOH na makahabol sa pagtukoy at paggamot sa mga indibidwal na tinamaan ng TB.
Pinayuhan naman ng DOH sa mga nakararanas ng matagal na ubo, na agad na kumonsulta upang matukoy kung ano ang kanilang sakit at mabigyan ng tamang gamot.
Ayon pa kay Vergeire, libre naman ang pagsusuri at konsultasyon sa mga health center sa bawat lugar sa bansa.