DOH, umapela sa publiko na ipaubaya ang N95 mask sa higit na nangangailangan

Nilinaw ng Department of Health o DOH na 31 ang patients under investigation kaugnay ng nCoV taliwas sa napaulat na 56.

Kabilang dito ang dalawang bagong pinaniniwalaang kaso ng nCoV.

Sa 32 PUIs, 23 ang naka admit sa mga pagamutan at naka isolate, limang ang na-discharge na subalit patuloy na mino-monitor, isa ang kumpirmadong kaso at isang PUI ang nasawi kamakalawa.


Nilinaw naman ni DOH Undersecretary Eric Domingo na masusing tinututukan ang unang kumpirmadong kaso ng nCoV at patuloy ang contact tracing sa kanyang mga nakasalamuha sa tulong ng Bureau of Quarantine.

Muli namang pinapaalalahanan ng DOH ang publiko na panatilihin ang kalinisan, pagkain ng mga prutas at gulay; palagiang pag-inom ng tubig at iwasan ang pagtungo sa matataong lugar.

Mahigpit ding pinapayuhan ang health workers na magsuot ng disposable face mask, gown at gloves habang nakaduty sa mga pagamutan.

Sa mga ospital naman ay dapat na panatilihin ang tamang pagtatapon ng hospital waste at paglalaba ng mga gamit at ang pagpapalakas ng resistensya.

Sa kabila ng banta ng nCoV, hindi naman ipinapayo ng World Health Organization (WHO) ang pagpapatupad ng travel ban bagamat nirerespeto ng WHO ang desisyon ng mga gobyerno na magpatupad ng travel ban sa China kung saan nagmula ang virus.

Sa panig naman ng DOH, irerekomenda nito ang pagpapalawak pa ng travel ban sa mas maraming lugar sa China sa harap ng pagtaas ng kaso ng nCoV sa nasabing bansa.

Nakikipag-ugnayan na rin ang DOH sa airlines at sa resort kung saan sumakay at nagtungo ang mga pasaherong Chinese na PUIs.

Facebook Comments