DOH, wala pang nade-detect na Lambda variant ng COVID-19 sa Pilipinas

Inihayag ng Department of Health (DOH) na hanggang sa kasalukuyan ay wala pa silang nade-detect na kaso o nahawaan ng Lambda variant ng COVID-19 sa Pilipinas.

Sa isang panayam kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, nakarating na sa kaalaman ng DOH ang natukoy na bagong variant na sinasabing nagmula sa Peru kung saan ang nabanggit na bansa ang itinutiring na may pinakamataas na COVID-19 mortality rate sa buong mundo.

Aniya, itinuturing ng World Health Organization (WHO) na “variant of interest” ang natukoy na bagong strain ng virus na sinasabing mas mapanganib at nakakahawa kumpara sa Delta Variant.


Kumalat na rin sa higit 30 bansa ang Lambda variant ng COVID-19 kaya’t patuloy na nakatutok at naka-monitor dito ang DOH.

Iginiit naman ni Vergeire na mas maiging pairalin ang “strict border control” upang hindi makapasok ang nasabing bagong variant sa bansa.

Matatandaan na kahapon ay nakapagtala ang DOH ng dalawang bagong kaso ng Delta variant kung saan pawang Returning Overseas Filipinos (ROFs) mula sa Saudi Arabia ang tinamaan nito.

Kaya’t dahil dito, umaabot na sa 19 ang bilang ng kaso ng tinamaan ng Delta variant sa buong bansa.

Facebook Comments