Inirerekomenda ng Department of Health (DOH) na dapat magsuot pa rin ng face mask ang bawat isa lalo na ngayong holiday season.
Ito ay kasunod na rin ng pagluwag sa patakaran ng paggamit ng face mask, kung saan boluntaryo na lang ang pagsusuot nito sa outdoor at indoor setting.
Sinabi ni DOH Officer-in-Charge (OIC) Undersecretary Maria Rosario Vergeire na ngayong holiday season ay kaliwa’t kanan ang mga social gathering gaya ng Christmas parties, reunion at iba pa.
Kaya naman, paliwanag ni Vergeire na ang pagsusuot ng face mask ay isa sa mga paraan para makaiwas na mahawaan ng virus dahil ang social gatherings ay isang high-risk activity.
Kasunod nito, kinumpirma ni Vergeire na walang babaguhin na patakaran o guidelines ang DOH ngayong holiday season.
Samantala, iginiit din ni Vergeire sa mga magulang na pagsuotin pa rin ng face mask ang mga bata kung mangangaroling lalo na kapag hindi pa bakunado kontra COVID-19.