Inihayag ngayon ng Department of Health (DOH) na wala pa silang naitatalang evacuee sa iba’t-ibang evacuation sites ang nagpopositibo sa COVID-19.
Ayon kay Health Undersecretary at Spokesperson Maria Rosario Vergeire, wala pang nakakalap na report ang DOH na may evacuee na kumpirmadong nagka-sakit ng COVID-19.
Base pa sa monitoring ng DOH, aabot pa sa 55,921 na pamilya o 223,378 na indibidwal ang nananatili sa higit isang libong evacuation center dahil sa Bagyong Ulysses.
Aabot naman 30 na health facilities ang apektado ng Bagyong Ulysses, partikular sa Region 2, 3, 4-A at Cordillera Administrative Region kung saan may mga hakbang na silang ginagawa para matugunan ang problema.
Tiniyak rin ni Vergeire na patuloy na naka-monitor ang DOH sa sitwasyon sa mga evacuation center at kalagayan ng mga residente, kasama na rin ang pagsisiguro na masusunod ang health protocols para maiwasan ang COVID-19.
Samantala, sinabi naman ni Vergeire na kanilang prayoridad sa antigen test ang mga evacuee na may sintomas ng COVID- 19.
Aniya, susundin pa rin ang ilang mga protocol sa antigen test kung saan maaari itong gawin sa itatalagang clinics sa mga evacuation centers pero kailangan mag-comply ang mga health workers sa protocols sa tamang pagkuha ng specimen at pagsasagawa ng pagsusuri.