DOJ at DILG, may imbestigasyon na kaugnay sa lumabas na pekeng appointment document

Nagsimula na ang Department of Justice (DOJ) at Department of the Interior and Local Government (DILG) sa pag-iimbestiga kaugnay sa lumabas na dokumento na naglalaman ng umano’y itinalagang commissioner ng Bureau of Immigration.

Sa Laging Handa briefing, sinabi ni DOJ Spokesperson Atty. Mico Clavano na inutos na nina Justice Sec. Boying Remulla at DILG Sec. Benhur Abalos ang National Bureau of Investigation (NBI) at ang PNP-CIIDG para imbestigahan ang bagay na ito.

Sinabi ni Atty. Clavano, hindi minamaliit ng DOJ at DILG ang insidenteng ito lalo’t hindi simpleng pamemeke ng dokumento ang ginawa dito kundi pamemeke ng selyo ng Malacañang at pirma ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.


Kabilang aniya sa aalamin sa imbestigasyon kung saan o kanino nagmula ang dokumento at ano ang intensyon sa pagpapalabas nito.

Unang lumabas sa ilang news articles ang kopya ng dokumento na nagpapakitang itinalaga ng pangulo ang isang Atty. Abraham Espejo Jr., bilang bagong BI commissioner, na una nang pinabulaanan ng Malacañang.

Sa ginawang beripikasyon naman, natukoy na walang inilabas na ganitong dokumento ang Presidential Management Staff, Office of the Executive Secretary at Office of the President.

Facebook Comments