DOJ at NBI, pinagsasagawa ng hiwalay na imbestigasyon sa PhilHealth

Inatasan ni Deputy Majority Leader Bernadette Herrera ang Department of Justice (DOJ) at National Bureau of Investigation (NBI) na magsagawa ng parallel investigation kaugnay sa anomalyang kinasangkutan ng PhilHealth.

Ayon kay Herrera, habang ginagawa ng Kongreso ang kanilang oversight function sa katiwalian ng PhilHealth ay nararapat lamang na magsagawa rin ng hiwalay na imbestigasyon ang DOJ at NBI partikular ang kanilang Cybercrime Division.

Nababahala ang kongresista na posibleng binura ng ahensya ang mga kinakailangang files o ebidensya na magpapatunay sa mga alegasyon laban sa kanila kaya dapat lamang na kumilos ang DOJ at NBI rito.


Hindi lamang kasi aniya ito ang unang pagkakataon na sumabit ang PhilHealth sa isyu ng korapsyon.

Matatandaan noong nakaraang taon ay nakaladkad din ang PhilHealth sa P154 bilyon fraud dahil sa overpayments.

Mas mataas ito kumpara sa sinisilip ngayon na P15 bilyon na naibulsa na ng ilang mga tiwaling opisyal ng ahensya.

Hindi aniya dapat maging bahagi na lamang ng ala-ala ang mga iregularidad sa PhilHealth kundi dapat ay may makasuhan at maaresto na sa pagkakataong ito.

Facebook Comments