DOJ at PAO, walang nakikitang conflict of interest sa kaso ng mga nasawi dahil sa dengvaxia

Walang conflict of interest sa pagitan ng panel of prosecutors ng Department of Justice (DOJ) at ng Public Attorney’s Office (PAO) sa paglilitis ng kaso sa Quezon City Regional Trial Court (RTC) kaugnay sa pagkamatay ng ilang bata matapos maturukan ng anti-dengue vaccine na dengvaxia.

Sa inilabas na joint statement, inihayag ng DOJ at PAO na nagkakaisa sila sa layuning makamit ang hustisya.

Tiniyak ng DOJ sa PAO at sa mga partido sa dengvaxia cases na hindi kailanman magkakaroon ng magkaibang interes sa pagresolba sa kaso.


Naungkat ang isyu ng conflict of interest matapos maitalaga si Atty. Jesse Hermogenes Andres bilang DOJ undersecretary na nakatalagang pangasiwaan ang National Prosecution Service (NPS) ng Justice Department.

Ang law firm ni Undersecretary Andres ang dating kumakatawan kay dating health secretary at ngayo’y Iloilo First District Rep. Janette Garin na isa sa kinasuhan sa dengvaxia cases.

Hiniling kamakailan ng PAO na mag-inhibit ang DOJ panel sa paghawak sa kaso at ipaubaya na lamang sa mga piskal sa Quezon City ang paghawak sa dengvaxia cases.

Gayunman, mismong ang PAO ang naglinaw na para lamang ito maprotektahan ang DOJ sa anumang isyu na magiging bias sa kaso ng mga nasawi dahil sa bakuna kontra dengue.

Facebook Comments