Inaasahang mapapadali na ang pag-iimbestiga ng Department of Justice (DOJ) sa mga reklamo ng anti-illegal drugs operation ng Philippine National Police (PNP) na nagreresulta sa pagkamatay ng mga suspek.
Ito ay matapos lumagda ng kasunduan sina Justice Sec. Menardo Guevarra at PNP Chief Guillermo Eleazar para sa aktibong ugnayan sa pag-iimbestiga sa mga umano’y extrajudicial killings (EJK) at pag-rebyu sa anti-illegal drugs operations ng pulisya.
Ayon kay Guevarra, pumayag si Eleazar na magkaroon ng access ang DOJ sa records ng 61 kaso ng mga pulis.
Sa mga nakalipas na taon aniya ay nahirapan ang DOJ sa pag-iimbestiga sa mga nasabing kaso dahil hindi sila nabibigyan ng access sa mga case record.
Tiniyak naman ni Eleazar na isusumite nila ang mga dokumento at makipagtulungan sa DOJ kaugnay nang isinasagawang imbestigasyon sa mga maling anti-illegal drugs operations.
Una ng bumuo ang pamahalaan ng Inter-Agency Review Panel na pinangunahan ng DOJ para ma-review ang mga kaso ng anti-illegal drugs operations na nagresulta sa pagkamatay ng mga suspek.