Handa ang Department of Justice (DOJ) na pumasok sa imbestigasyon ng kinukuwestyong pagbili ng Pharmally Pharmaceutical ng supply para sa Department of Health (DOH).
Gayunman, sinabi ni Justice Secretary Menardo Guevarra na kailangang may maghain ng reklamo sa DOJ.
Aniya, kung reklamong kriminal ang ihahain laban sa Pharmally, hindi sila maaring maging complainant dahil ang DOJ ang magsasagawa ng preliminary investigation.
Iginiit ni Sec. Guevarra na labag sa batas partikular sa Article 40 ng Consumer Act ang ginawa ng Pharmally na pagpapalit ng impormasyon sa idineliver na face shields.
Malinaw aniya itong mislabeling.
Kung may sapat ito aniyang ebidensya, maaaring ihain ang reklamo sa Prosecutor’s Office at kung kailangang palakasin ay maaaring idulog sa NBI at ito na rin ang tatayong complainant.