Minamadali na ng Department of Justice (DOJ) ang pagbuo ng panuntunan sa direktiba ng Pangulong Rodrigo Duterte na arestuhin ang mga lumalabag sa health protocols tulad ng hindi tamang pagsusuot ng face mask.
Ayon kay Justice Sec. Menardo Guevarra, gumagawa na sila ng draft hinggil dito.
Ito ay bagama’t kahit aniya walang guidelines ay maaari nang manghuli ang Local Government Units (LGUs) alinsunod sa umiiral na ordinansa sa kani-kanilang mga lokal na pamahalaan.
Maaari din aniyang ipatupad na lamang ang community service sa violators sa halip na sila ay arestuhin kung saan sang-ayon naman dito ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
Tiniyak naman ni Sec. Guevarra na isinasaalang-alang nila sa binubuong panuntunan ang posibleng mga implikasyon nito.
Partikular ang lalo pang pagsisiksikan sa mga kulungan kapag inaresto lahat ang violators na maaaring magdulot ng lalo pang pagkalat ng virus.