DOJ, bumuo ng panel na mag-iimbestiga sa tax evasion case ng Mighty Corporation

Manila, Philippines – Bumuo na ang Department of Justice (DOJ) ng panel of prosecutors na tututok sa mahigit P9-Bilyon tax evasion case na kinakaharap ng kumpanya ng sigarilyong Mighty Corporation.

Ayon kay Justice Secretary Vitaliano Aguirre, tatlong prosecutor ang hahawak sa Preliminary Investigation sa reklamo ng BIR laban sa Mighty Corporation para alamin kung marapat bang kasuhan sa korte ang mga opisyal ng naturang kumpanya dahil sa umano’y hindi pagbabayad ng tamang buwis.

Kabilang sa lupon ay sina Sr. Asst. State Prosecutor Sebastian Caponong, Asst. State Prosecutor Ma Lourdes Uy at Asst. State Prosecutor Mary Ann Parong.


Respondents naman sa reklamo ay sina Alex Wongchuking- Assistant Secretary ng Mighty Corp., dating Armed Forces Deputy Chief of Staff Edilberto Adan Executive Vice President, retired Judge Oscar Barrientos- Vice President for External Affairs at Tresurer na si Ernesto Victa.

Nag-ugat ang reklamo laban sa Mighty Corp., matapos ang raid ng mga tauhan ng Bureau of Customs sa apat na warehouse nito sa Pampanga kung saan nadiskubre ang mga pekeng tax stamps sa mahigit 33-milyong pakete ng sigarilyo.

Una nang iniutos ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pag-aresto kay Wongchuking pero dahil sa wala pang kasong nakahain laban dito hindi muna siya hinuli ng mga otoridad.
Nation

Facebook Comments