Nakahanda ang Department of Justice (DOJ) na magbigay ng mga dokumento sa International Criminal Court (ICC) kaugnay sa sinasabing pag-abuso ng ilang pulis habang nasa anti-drug operations.
Ito ang tiniyak ni Justice Secretary Menardo Guevarra kasunod ng hiling ni ICC Prosecutor Karim Ahmad Khan sa gobyerno ng Pilipinas na magpakita ng patunay sa kanilang ginagawang imbestigasyon.
Pero sa ngayon, sinabi ni Guevarra na nakatuon muna ang DOJ sa kanilang sariling imbestigasyon at hindi sa ICC.
Matatandaang itinigil muna ng ICC ang imbestigasyon sa mga umano’y paglabag sa karapatang pantao ng mga biktima ng war on drugs ng administrasyon.
Una rito, ipinag-utos ng DOJ sa National Bureau of Investigation na magsagawa na ng case buildup para sa 154 na pulis na sangkot sa 52 na kaso kung saan nasawi ang 56 na indibidwal sa gitna ng operasyon.