DOJ, handang sumuporta sa plano ng COMELEC na bumuo ng Task Force Kontra Fake News

Handa ang Department of Justice (DOJ) na tumulong sa Commission on Elections (COMELEC) sa plano nilang habulin at papanagutin ang mga nagpapakalat ng fake news.

Ito’y may kaugnayan sa kredibilidad ng nalalapit na 2022 national and local elections.

Nabatid na sinusuportahan ni Justice Secretary Menardo Guevarra ang plano ni COMELEC Commissioner George Garcia na bumuo ng Task Force Kontra Fake News.


Sa pahayag ni Guevarra, hindi pa naman nakikipag-ugnayan sa kanilang tanggapan ang COMELEC maging sa National Bureau of Investigation (NBI) para sa nasabing bubuuin na task force.

Tulad ng binuong Task Force Kontra Bigay ng COMELEC, handa ang DOJ na tulong sa poll body para papanagutin ang mga nagpapakalat ng fake news hinggil sa nalalapit na halalan.

Sinabi pa ng kalihim na ang nagpapakalat ng fake news ay nakaka-apekto sa public order kung saan maituturing ito na pagkakasala sa batas na nasa mandato ng DOJ at NBI upang maimbestigahan at makasuhan.

Matatandaan na hangad ng COMELEC na habulin ang mga responsable sa mga nagpapakalat ng fake news hinggil sa kanilang mga ginagawang paghahanda para sa 2022 elections.

Facebook Comments