DOJ, handang tumugon sa panawagan ng mga magbababoy hinggil isyu ng “tongpats” sa DA

Handang tumugon ang Department of Justice (DOJ) sa panawagan ng mga magbababoy na imbestigahan ang sinasabing “tongpats sytem” sa Department of Agriculture (DA) na talamak na nangyayari ngayon.

Sa isang mensahe ni Justice Secretary Menardo Guevarra, kinakailangan lamang na makakuha sila ng karampatang impormasyon hinggil sa sinasabing suhulan sa DA sa pamamagitan ng meat importation.

Ito’y upang magkaroon sila ng sapat na basehan para sa malalimang imbestigasyon.


Tiniyak ni Guevarra na kapag nakakuha na sila ng impormasyon, agad nila itong ire-refer sa National Bureau of Investigation (NBI) o kaya sa Task Force against Corruption.

Matatandaan na una nang nanawagan ang Pork Producers Federation of the Philippines na manghimasok na ang DOJ sa sinasabing problema sa DA.

Iginiigiit ng grupo na malaki na ang nawawalang kita ng pamahalaan dahil sa nangyayaring tongpats sa importasyon ng baboy na nais pa ng DA na dagdagan ang pagkuha ng supply nito.

Facebook Comments