
Wala pang pag-uusap ang Department of Justice (DOJ) at Office of the Ombudsman kaugnay sa alegasyon ng 18 nagpakilalang ex-marines na nag-deliver umano ng mga male-maletang pera.
Ayon kay DOJ Spokesperson Atty. Polo Martinez, hanggang ngayon ay wala pang napapag-usapan ang Ombudsman at kagawaran tungkol dito.
Bago kasi niyan ay sinabi ni Martinez na nakahanda silang imbestigahan ang mga alegasyon ng 18 nagpakilalang mga dating sundalo kung aatasan sila ng Ombudsman.
May umiiral din aniyang memorandum of agreement ang Justice Department at ang Office of the Ombudsman kaugnay sa pagsasagawa ng preliminary investigation.
Noong nakaraang linggo nang pormal na isumite ni Atty. Levi Baligod, abogado ng mga nagpakilalang ‘bagmen’ sa Ombudsman ang pirmadong affidavit.
Idiniin ng mga ito na naghatid umano ng male-maletang pera kina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., dating House Speaker Martin Romualdez, dating Ako Bicol Rep. Zaldy Co at dating Marikina City 2nd District Rep. Stella Quimbo.
Kinumpirma nina Belnard Tube at Benny Bulontate ang laman ng kanilang affidavit, at sinabi nilang nagdala sila ng pera sa bahay ni Quimbo kung saan ipinresinta rin na ang larawan ng walong malalaking maleta at isang maliit na maleta na inihatid sa bahay ni Quimbo.
Si Quimbo ay naging miyembro ng bicameral conference committee at nagsilbing vice chairperson ng House Committee on Appropriations noong pinag-uusapan ang 2025 national budget bago palitan ang nagbitiw na si Zaldy Co.
Sinabi naman ni Martinez na bukas ang kagawaran para sa sinumang maghahain ng reklamo kontra sa naturang grupo kabilang na ang mga idinadawit na personalidad at mga kongresista.










