Manila, Philippines – Hiniling ng Department of Justice (DOJ) sa Department of Foreign Affairs (DFA) na kanselahin ang pasaporte ng dating pulis at miyembro umano ng Davao Death Squad na si SP03 Arturo Lascañas.
Ayon kay Justice Sec. Vitaliano Aguirre II, tatlo ang warrant of arrest na kinakaharap ni Lascañas sa ngayon.
Sinabi pa ni Aguirre, ngayong nasa ibang bansa si Lascañas, walang indikasyon na ito ay babalik sa bansa kaya dapat nang kanselahin ang kaniyang pasaporte.
Nabatid na noong Abril pa umalis ng bansa si Lascañas patungong Singapore at mula noon ay hindi ito nagpakita ng intensyon na bumalik ng Pilipinas para harapin ang kaniyang mga kaso.
Sinabi ng kalihim na nakatakda siyang magsumite ng formal request kay DFA Sec. Alan Peter Cayetano para makansela na ang passport ni Lascañas.
Si Lascañas ang self-confessed Davao Death Squad (DDS) hitman na humarap sa mga pagdinig sa senado.