Inatasan ng Department of Justice (DOJ) ang National Bureau of Investigation (NBI) na kumpirmahin kung ang taong napatay sa Novaliches, Quezon City noong Lunes ay si National Democratic Front of the Philippines (NDFP) peace consultant Randy Echanis.
Ito ay matapos ihayag ng Quezon City Police District (QCPD) na ang taong napatay ay isang nagngangalang Manuel Santiago base na rin sa narekober na ID.
Ayon kay Justice Secretary Menardo Guevarra, ipauubaya niya sa NBI Forensic Division ang pagtukoy sa pagkakakilanlan ng bangkay.
Kapag naberipika ang kaniyang pagkakakilanlan, ang Administrative Order 35 Task Force na siyang nagsisiyasat ay maaaring magpatuloy ang kanilang imbestigasyon.
Si Guevarra na siyang Chairperson ng Inter-Agency Committee on Extra-Judicial Killings, Enforced Disapperances, Torture and other Grave Violations of the Right of Life, Liberty and Security of Persons, ay inatasan ang task force na bumuo ng team na mag-iimbestiga sa pagpatay.
Una nang iginiit ng pamilya na ang bangkay ay si Echanis.
Ang 72-year old NDFP Peace Consultant ay napatay sa inuupahang bahay nito sa Barangay Nova Proper sa Novaliches, Quezon City.
Nasa limang hindi pa nakikilalang indibidwal ang pinaniniwalaang nasa likod ng pagpaslang.