DOJ, inirekomenda na sa korte na sampahan ng kaso si dating PBA player na si Dorian Peña

Manila, Philippines – Inirekomenda na ng DOJ na sampahan ng kaso sa korte ang dating PBA player na si Dorian Peña matapos makitaan ng probable cause ang inihaing reklamo laban sa kanya ng NBI.

Sa resolusyon ng DOJ, si Peña ay pinasasampahan ng reklamong paglabag sa section 15 ng RA 9165 (use of dangerous drugs).

Si Peña, kasama sina Jose Paolo Ampeso at Ledy Mae Vilchez ay naaresto sa isinagawang buy bust operation ng NBI sa isang condominium unit sa Merryland Village sa Mandaluyong City noong May 10.


Nasamsam mula sa mga suspek ang dalawang plastic sachet ng shabu, ilang piraso ng drug paraphernalia at weighing scale kung saan ang tatlo ay nagpositibo sa paggamit ng iligal na droga base na rin sa pagsusuri na ginawa ng NBI.

Samantala, ipinagpaliban muna ng DOJ ang resolusyon sa reklamong paglabag sa section 7 ng RA 9165 (visiting a drug den) laban kay Peña dahil kinakailangan pa munang madesisyunan ang inihain kasong paglabag sa section 6 ng RA 9165 (maintaining a drug den) laban kina Vilchez at Ampeso.
DZXL558

Facebook Comments