Nilinaw ni Justice Sec. Menardo Guevarra na “expression of trust” lamang ni Pangulong Rodrigo Duterte ang pahayag nito tungkol kay Health Sec. Francisco Duque III at hindi ito pag-abswelto.
Partikular ang pahayag ng Pangulo na wala siyang makitang magandang rason para i-prosecute ang isang taong inosente.
Ayon kay Sec. Guevarra, nagpahayag lamang ng pagtitiwala si Pangulong Duterte kay Duque nang mabanggit niya ito.
Pero hindi aniya ito nangangahulugan ng “exoneration” o ina-abswelto na ng Presidente si Duque partikular sa mga katiwalian sa PhilHealth.
Kumpiyansa si Sec. Guevarra na kung may matibay na ebidensya laban sa sinuman, tiyak aniyang hindi hahadlangan ng Pangulong Duterte ang ligal na proseso.
Sa panig naman ng DOJ partikular ang Task Force PhilHealth, sinabi ni Guevarra na tuloy-tuloy ang kanilang trabaho alinsunod sa utos ng Pangulo na mag-imbestiga, kasuhan at ipakulong ang mga mapapatunayang tiwali sa Philippine Health Insurance Corp.
Nauna nang kinuwestyon ng ilang Senador at ilang grupo ang hindi pagkakasama ni Duque sa mga sinampahan ng reklamo sa Office of the Ombudsman kaugnay ng katiwalian sa PhilHealth.