Kumpiyansa ang Department of Justice (DOJ) na mapapatawan ng parusa ang dalawang akusado na nagbenta ng bagong panganak na sanggol sa pamamagitan ng online.
Ito’y makaraang sinampahan na ng reklamo sa Manila Regional Trial Court sina Arjay Escalona Malabanan at Maria Charice Rivera Dizon na ngayon ay nahaharap sa reklamong paglabag sa qualified trafficking at child exploitation.
Isa sa mga naghain ng reklamo ang Philippine National Police (PNP) Women and Children Protection Center sa Department of Justice (DOJ) Task Force on Women and Children and Against Trafficking in Persons.
Nauna diyan ay isang babaeng pulis na nagpanggap na buyer ang nakipag-transaksyon sa dalawa at nagkasundong bibilhin ang sanggol sa halagang P90,000.
Nagkita sila sa Concepcion Church sa Dasmariñas City, Cavite at matapos naman tanggapin ni Arjay ang marked money ay agad silang inaresto.