Nilinaw ng Department of Justice (DOJ) na makukuha ng mga informant ang pabuyang inaalok ng gobyerno sa oras mismo na maaresto sina dating Bureau of Corrections (BuCor) Chief Gerald Quitaleg Bantag at ex-Deputy Officer Ricardo Zulueta.
Ayon kay DOJ Sec. Jesus Crispin Remulla, agad na ibibigay ang reward money kung ang impormasyong kanilang matatanggap ay hahantong sa pagka-aresto ng mga akusado.
Aniya, hindi dapat i-asa sa mga informant ang conviction ng dalawa dahil nasa hurisdiksyon na ng DOJ ang proseso ng pagdedemanda, prosekusyon, at kung mahahatulan ang mga ito.
Tiniyak din ng kalihim na walang tax at buong buo na makukuha ng mga informant ang reward money.
Samantala, naniniwala naman si Remulla hindi pa nakakalabas ng bansa ang mga ito, at sa kanilang pinakahuling impormasyon ay natagpuan sa Luzon sina Bantag at Zulueta.
Matatandaang kahapon ay nag-alok ang DOJ at ang National Bureau of Investigation ng ₱3 million sa sinumang makapagtuturo sa kinaroroonan ng dalawa.