Manila, Philippines – Dumepensa si Justice Secretary Menardo Guevarra sa mga naging pagbiyahe ng kanilang mga opisyal sa abroad noong 2018.
Ayon kay Justice Secretary Menardo Guevarra, ang naturang mga biyahe ay may kaugnayan sa mga International Conference gaya ng sesyon sa UN (United Nations) agencies, ASEAN regional meetings at iba’t-ibang bilateral negotiations na kailangan talagang dayuhan ng kanilang mga opisyal.
Malaki aniya ang pakinabang ng pamahalaan partikular ng Department of Justice (DOJ) sa international events na dinaluhan ng kanilang mga tauhan.
Sa kabila nito, tiniyak ni Guevarra na handa silang tumalima sa kautusan ng Commission on Audit (COA) na bawasan na ang biyahe sa abroad.
Batay sa report ng COA, labing-apat na opisyal ng DOJ ang naging malimit ang biyahe sa abroad sa nakalipas na taon.
Ito anila ay may kabuuang travel expenses na P6.19 million at kabilang sa mga naging biyahe ng DOJ officials ay sa Singapore, Nepal, Australia, Thailand at New Zealand.