Nagpasalamat si Justice Sec. Jesus Crispin Remulla sa Taguig Regional Trial Court sa naging desisyon nito na hatulang guilty ang dating lider ng Communist Party of the Philippines New People’s Army sa Quezon Province.
Sa naging promulgation ng Taguig RTC Branch 266, napatunayan na walang pag-aalinlangan ang akusado na si Maria Salome Crisostomo at kilala sa pangalang Maria Salome Crisostomo Ujano na kinasuhan ng rebellion.
Dahil dito, hinatulang siya na makulong ng sampung taon hanggang 17 taon at apat na buwan.
Sa rekord ng korte, sangkot ang akusado sa pag-atake sa Quezon Province noong November 2005 na naging dahilan ng pagkamatay at pagkasugat ng mga sundalo, pagsira sa Telecommunications sites at mga ari-arian ng gobyerno.
Depensa naman ni Ujano sa korte, wala siya sa Quezon Province noong mangyari ang pag-atake dahil nag-aaral siya noon sa St. Escolastica College sa Malate, Maynila.
Pero hindi ito pinakinggan ni Judge Marivic Vitor ng Taguig RTC kung kaya’t hinatulang guilty si Ujano.
Sinabi ni Remulla na ang naturang desisyon ay isang tagumpay para sa kampanya ng gobyerno laban sa terorismo.