Nagsimula na ang dayalogo sa pagitan ng Department of Justice (DOJ) at ng iba pang mga opisyal ng ahensya ng gobyerno na mag-iimbestiga laban sa mga tiwaling government agency.
Partikular na nakipag-usap si Justice Secretary Guevarra kina Prosecutor General Benedicto Malcontento at NBI OIC Director Eric Distor.
Kabilang sa mga unang tinalakay sa nasabing pulong ang mga bubuo ng task force na tututok sa alegasyon ng kurapsyon sa gobyerno at ang mga pamamaraaan kung paano makakakuha ng mga mahalagang impormasyon sa mga opisyal o ahensiya ng pamahalaang magiging parte ng kanilang imbestigasyon.
Napagkasunduan sa nasabing meeting na ang mga nakasama sa binuong task force na tumutok sa imbestigasyon sa sinasabing talamak na katiwalian sa PhilHealth ang siya na ring core group ng task force na magsasagawa ng imbestigasyon sa iba pang mga katiwalian sa buong gobyerno.
DOJ pa rin ang mamumuno sa task force at makakatuwang nito sa trabaho ang Presidential Anti-Corruption Commission (PACC), Office of the Special Assistant to the President (OSAP), National Prosecution Service (NPS) at ang Anti-Money Laundering Council (AMLC).
Target ng DOJ na makapag-convene ang core group sa lalong madaling panahon.
Iimbitahan din ng task foce ang Commission on Audit (COA), Civil Service Commission (CSC) at ang Office of the Ombudsman.
Agosto 7 nang unang atasan ng Pangulo ang DOJ na bumuo ng panel na mag-iimbestiga sa katiwalian sa PhilHealth.