DOJ, nilinaw na hindi parole ang maagang pagpapalaya sa 11K na mga bilanggo

Manila, Philippines – Nilinaw ni Justice Secretary Menardo Guevarra na hindi parole ang maagang pagpapalaya sa mga preso na makikinabang sa RA 10592.

Ayon kay Guevarra, sa ilalim ng batas, mababawasan ang panahon ng pagkakulong  ng preso kung maganda ang pag-uugali nito.

Pinalawig ng nasabing batas ang aplikasyon ng good conduct time allowance at dinagdagan ang araw na maaring ibilang na good conduct ng mga preso.


Sinabi ni Guevarra na iba ang pagpapalaya ng preso sa pamamagitan ng parole dahil ito ay conditional.

Ayon pa kay Guevarra, hindi na kailangang ilathala sa mga pahayagan o abisuhan ang sinuman kaugnay sa early release ng mga bilanggo bunsod ng GCTA dahil hindi naman ito executive clemency.

Idinagdag pa ni Guevarra na hindi kailangan ng approval ng presidente o ng justice secretary ang maagang pagpapalaya sa mga preso dahil sa magandang pag-uugali.

Ginawa ni Guevarra ang paglilinaw matapos umalma ang mga magulang ng UPLB student na si Eileen Sarmenta sa posibleng paglaya ni dating Calauan, Laguna Antonio Sanchez na hinatulan ng korte ng pitong counts ng reclusion perpetua noong 1995 dahil sa pagpaslang at paggahasa kay Sarmenta at pagpatay sa kasintahan nito na si Allan Gomez.

Facebook Comments