Maaaring tumanggap ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng mga donasyon mula sa indibidwal at mga negosyong may kaugnayan sa tobacco industry.
Paglilinaw ito ng Department of Justice (DOJ) matapos hilingin mismo ni DSWD Secretary Rex Gatchalian ang legal opinion kaugnay sa legalidad ng pagtanggap ng donasyon ng tobacco company na tatlong mobile clinics na gagamitin para sa social welfare and disaster response operations.
Sa anim na pahinang legal opinion, nakasaad na hindi naman nito nilalabag ang Joint Memorandum Circular No. 2010-01 ng Civil Service Commission (CSC) at Department of Health (DOH).
Batay sa nasabing kautusan, mahigpit na pinagbabawalan ang mga public official at empleyado na manulisit at tumanggap ng pera mula sa mga may kaugnayan sa indibidwal at negosyong nasa industriya ng tobacco.
Sa kabila nito, pinayuhan ng DOJ ang DSWD na pag-usapan na lamang ang tungkol dito sa loob ng kagawaran.
Inabisuhan din ng DOJ ang DSWD na makipag-ugnayan sa DOH at CSC bilang lead implementing agencies ng nasabing Joint Memorandum Circular.