Tiniyak ng Department of Justice (DOJ) na walang lusot sa batas ang mga indibidwal na sangkot sa pagbebenta ng mga pekeng titulo ng lupa.
Kasunod ito ng naiulat na dalawang indibidwal na hinihinalang miyembro ng sindikato na inaresto ng Criminal Investigation and Detection Group – National Capital Region (CIDG-NCR) at Manila Police District (MPD).
Ayon kay Justice Secretary Jesus Crispin Remulla, mahaharap sa mabigat na parusa ang mga mapapatunayang sangkot sa panlololoko sa kapwa lalo na’t isa ang pagkakaroon ng titulo ng lupa sa pinakamagandang seguridad ng isang pamilya at ng kanilang kinabukasan.
Dinakip ang dalawang suspek na kinilalang sina Arnel Cunanan at Romeo Cabansag habang patuloy naman na tinutugis ang iba pa nilang kasamahan na sina Perlita Alejo at Guillermo Alejo.
Nakikipag-ugnayan na ang DOJ sa Land Registration Authority (LRA) at PNP para sa mas pinalakas na crackdown sa sindikato.