Umaasa ang Department of Justice (DOJ) na ang mga opisyal ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) ay boluntaryong mag-leave of absence habang nahaharap ang kanilang tanggapan sa matinding imbestigasyon.
Ayon kay Justice Secretary Menardo Guevarra, maaaring mag-avail ng leave muna ang mga PhilHealth officials habang sumasailalim sa special audit ang ahensya.
Hayaan aniya ang investigators at auditors na kumpletuhin ang kanilang pagsisiyasat.
Binanggit din ng kalihim na sinabi ng National Privacy Commission (NPC) na hindi maaaring gamitin ang Data Privacy Act para pigilan ang pagsasagawa ng government investigation.
Nabatid na bumuo ang DOJ ng task force na sisilip sa alegasyon ng korapsyon sa PhilHealth.
Nakatakdang mag-convene ang DOJ team para maisapinal ang istratehiya para sa task force, na binubuo ng Office of the Ombudsman, Commission on Audit, Civil Service Commission at ang Office of the President.
Nabatid na nag-avail ng medical leave si PhilHealth President Ricardo Morales dahil sumasailalim siya sa chemotherapy matapos ma-diagnose ng lymphoma.