Inamin ni Justice Secretary Menardo Guevarra na hindi pa niya naririnig ang planong house-to-house ng mga health workers at mga pulis sa suspected COVID-19 patients.
Nilinaw rin ni Sec. Guevarra na hindi pa ito natalakay sa kanilang pulong sa Inter-Agency Task Force (IATF) at hindi rin siya nakonsulta tungkol dito.
Sa kabila nito, naniniwala si Sec. Guevarra na may legal na basehan sakaling ilipat sa government quarantine facilities ang mga taong naka-self o home quarantine lalo na ang mga walang kakayahan para sa isolation process.
Mandato naman aniya ng pamahalaan na isailalim sa kustodiya sa mga itinalagang quarantine facility ang sinumang may sintomas para na rin sa proteksyon ng mga kamag-anak at ng komunidad.
Idinagdag pa ng kalihim na sa halip na mga pulis ang gumawa nito, mas mainam aniya kung barangay health workers na lamang ang manguna sa pag-iikot sa mga bahay.