HULICAM: Magkalive-in patay, 2 sugatan matapos araruhin ng isang AUV sa Bulacan

1842
KUHA MULA SA CAMERA NI JETHRO SANPEDRO

Dalawang katao ang nasawi habang dalawa naman ang sugatan matapos araruhin ng isang AUV ang hanay ng mga nagbebenta ng prutas sa Barangay Sto. Cristo, San Jose Del Monte, Bulacan.

Nakuhanan ng saksing si Jethro Sanpedro ang kalunos-lunos na insidente na naganap pasado alas-8 ng gabi noong Lunes, Hulyo 13.

Sa video, makikita ang pagkagulat ng maraming tao nang dumiretso ang sasakyan sa bangketa, kung saan nakapuwesto ang apat na tinderong biktima.

(BABALA: SENSITIBONG VIDEO)

Dead on the spot ang 29-taong-gulang na si Juvylyn Vasquez habang binawian naman ng buhay sa pagamutan ang kinakasama niyang si Jonaver Andaza.

Kinilala naman ang dalawang sugatan na sina Jericho Ibog at Arnel Castillo. Pawang mga naglalako ng saging sa lugar ang lahat ng biktima.

Ayon sa isang saksi, hinabol ng ilang katao ang AUV makaraang unang salpukin ang isang tindahan sa nasabing sidewalk.

Pero sa halip na makatakas, natumbok nito ang kabilang bangketa at nabangga ang mga nagbebenta roon.

Agad naaresto ang salaring si Rene Endaya, na ayon sa pulisya ay nakainom nang mangyari ang krimen. Pero depensa ng drayber, nawalan umano siya ng kontrol.

Kinasuhan ang suspek ng reckless imprudence resulting in multiple homicide, multiple physical injuries at damage to properties.


Facebook Comments